Kailan lang, naramdaman ang tunay na paniniwala sa akin ng mga taong hindi ko namang close na close kami ngunit sa kabila ng ganoon naming ugnayan, patuloy pa rin silang naniniwala sa akin. <3
“Bakit ka nag-Fin?” Isa ito sa mga tanong na talagang napatigil ako at napaisip. Bakit nga ba ako sumuong sa isang laban na hindi ko tiyak kung may sapat akong armas upang lumaban? Bakit ko nga ba piniling humarap sa isang pagsubok na wala man lang akong kasiguraduhang malulusutan ko? Wala akong alam. Wala akong plano. Wala.
Maaari ngang sabihin na meron naman akong nailatag na mga plano’t plataporma na magiging gabay ko para magampanan ko ng maayos ang magiging trabaho ko; subalit inaamin ko na ginawa ko lang ito para may maipasa lang ako kay Kuya JC. Sa totoo lang, hindi ko talaga alam ang gagawin ko. Nahihilo. Nalilito. Natutuliro.
Matagal naman nang inalok sa akin ang posisyon ng pagiging Finance Officer. Bago pa man magbukas ang nominations para sa mga tatakbo, tinatanong na ako kung nais kong punan ang posisyon. Mariin ang pagtanggi ko nung umpisa dahil hindi ko talaga alam ang patutunguhan ng Finance Committee sa ilalim ng pamamahala ko kung saka-sakali mang ako maihalal. Pero sa isip ko lang yun. Hindi ko nasabi ang nilalaman ng isip ko. Pinili ko pa ring ‘maging open’ ang options ko.
Gusto ko talagang tumakbo para sa isang posisyon pero hindi bilang Finance Officer. May pagnanais sa’kin na maging bahagi ng Executive Committee yaman din lamang na nasaksihan ko na nang pahapyaw kung paano ginagawa ang mga SemPlan. Sa palagay ko, ang pagkakataong mapabilang sa ExeComm ay isang hakbang para sa katuparan ng isa sa mga nais kong makamit sa buhay: ang gumawa ng pagbabago. Pero ang tanong paano lalo na kung may mga nagnanais na tumakbo para sa iilang posisyon na gusto ko ring punan? Ang natitira na lang ay ang pagiging Finance Officer, wala nang iba. Ay, meron pa pala – ang VP for Acad.
Gusto ko sanang maging VP for Acad pero ayaw kong i-deprive ng pagkakataon ang ibang miyembro ng Acad – ang gagaling kasi talaga nila. Hahangang-hanga ako sa mga pinakita nila ngayong school year. Nakikini-kinita ko kasi na makikialam at makikialam lang din ako sa mga gagawin ng Acad kung naroroon ako kaya gusto ko silang iwan. Gusto ko silang matuto. Gusto kong maranasan nila ang naranasan ko nung ako ang Chairperson ng Acad.
Ngayon, iiwan ko na nang biglaan ang kinagisnan kong committee. Committee na talagang minahal ko at napalapit sa puso ko. Hindi lang dahil sa mga tungkulin namin kundi dahil na rin sa mga taong bumubuo rito: Kuya Nelson, Ian, Dave, Irene, Lea, Marge, Vincci at Mila. Ayoko sanang iwanan ang samahang ito pero kailangang naming lahat na ‘mag-grow.’
Sa ngayon, nababalot ako ng takot at kaba. Nangangamba ako sa patutunguhan ng Fin. Alam kong tutulungan ako ni Patty pero ang laki ng puwang na pupunan ko. Malaking reponsibilidad ang nakaatang sa balikat ko ngayon lalo pa’t wala akong karanasan sa daang tatahakin ko.
Ang tanging nagpapalakas na lamang ng loob ko ay ang tiwala ng SHARPers sa akin. Kung tutuusin, sila ang dahilan kung bakit ko tinanggap ang hamon. Wala akong ideya kung ano ang nakikita nila sa akin. Siguro wala lang akong tiwala sa sarili ko pero sa kabila nito nakikita pa rin ng mga taong nagtitiwala sa akin ang aking mga kakayahan. Hindi ko alam. Isa siguro ito sa mga misteryong hindi maisasagot.
Sa ngayon, isang bagay lang maisisiguro ko lalo na ngayong narito na ako sa posisyong kinasasadlakan ko: hinding-hindi ko ipapahiya ang mga taong naniniwala sa akin sa kabila ng aking kakulangan sa karanasan.