Ano nga ba ang sukatan ng pagiging isang mabisang pinuno? Sa kanyang katayuan sa buhay? Sa impluwensiyang kanyang naidudulot sa bayan? Sa kanyang katalinuhan at angking-kakayahan? Para sa akin, simple lang --- sa kanyang integridad.
Isang bagong uri na naman ng pinuno ang nasaksihan sa El Filibusterismo sa katauhan ni Don Custodio. Siya ay isang uri ng pinuno na masasabing masipag... Masipag kung ilalathala ang kanyang mga nagawa sa pahayagan. Maaari rin siyang ituring na dakila ng masa... Dakila kung bibigyang papuri ang kanyang mga nagawa. Subalit, may isang 'magandang' katangian si Don Custodio at iyon ay ang pagnanais niyang matupad ang kagustuhan ng lahat sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Isang 'magandang' katangian na hindi karapat-dapat na taglayin ng mga pinuno.
Ang aking ideyal na pinuno ay malayong-malayo sa mga katangiang taglay ni Don Custodio. Ang nakikita ko sa isang mabisang pinuno ay ang isang taong may napatunayan ng kredibilidad; isang taong kayang paglingkuran nang matapat ang kanyang mga nasasakupan na walang kinikilingan; isang taong balanse kung magdesisyon --- dapat walang pinoprotektahan. Nakikita niya rin ang opinyon ng nakararami at pinag-iisipan niyang mabuti ang bawat galaw na kanyang gagawin.
Tila kay hirap maabot ng aking mga inaasahan sa isang pinuno. Nakakalungkot lamang na sa kasalukuyan ay halos wala na akong nakikitang masasabing tunay na ideyal na pinuno. Sa halip, halos puro Don Custodio ang madalas kong nakikita. Kaya ako, nakapagpasya na ako... Kapag ako'y naging isang pinuno, sisikapin kong maging ideyal.