Go To...

Saturday, January 31, 2009

Ako ay Pilipino (Talumpati)

**DISCLAIMER: Hindi ako ang may gawa nito. :)) piyesa ito para sa CAF.**


Mga kaibigan... mga kamag-aral... isang mapagpalayang araw sa inyong lahat!


Mula sa dugo ng matatapang na bayani ng lahi... narito ako at buong giting na babakahin ang buhay na ibinigay ng Poong Maykapal.


Sa dunong na taglay ko'y payayabungin ko ang naiwang pamana ng lahing aking minahal. Higit na matatag at punumpuno ng pag-asa. Batid kong ikaw, ako, tayong lahat ay may kaakibat na pagtitiwala sa Dakilang Lumikha. Sa sinapupunan ng Inang Bayan ay aariin kong yaman ang kalinangan at sining na makulay at namumukod-tangi sa pandaigdigang pagkakakilanlan.



Sa butil ng aking pawis ay sisikapin kong gumitaw ang kabayanina sa pamamagitan ng pagtuon sa kaunlaran at mga pagbabago upang maiangat ang pang-ekonomiyang kalagayan ng bayan. Payayabungin ko ang angking talino't kakayahan nang sa gayon ay hindi ako maiiwan sa makabagong kalakaran ng buhay.


Ako ay Pilipino. Naiiba sa mga katangiang magdudulot ng karangalan sa Inang Bayan. Hindi ako magtatagumpay kung hindi ka kasama sapagkat ikaw at ako ay iisa.


Halina, tunguhin natin ang bukas. Samahan mo ako... ikaw at ako ay Pilipino.


MARAMING SALAMAT.