Go To...

Thursday, July 31, 2008

Isang Panunuri sa Pelikulang "Urduja"

Ayon sa mga patalastas, ang pelikulang “Urduja” ay ang kauna-unahang full-length animated na pelikula. Ang kathang-sining na ito ay naisakatuparan sa ilalim ng direksyon at panunulat ni Reggie Entienza. Binigyan din ng Film Ratings Board ng A-Rating ang pelikulang ito.

SYNOPSIS:

Ang pelikulang ito ay tungkol kay Prinsesa Urduja, anak ng puno ng tribong Tawalisi at isang magiting na prinsesa ng Pangasinan. Nais ng kanyang ama na magpakasal siya kay Simakwel, isang mayabang na mandirigma na asam ang pagiging pinuno ng tribong Tawalisi sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Urduja; subalit, ayaw sa kanya ni Urduja. Isang araw, iniligtas siya ni Lim Hang, isang piratang Tsino, sa tangkang pagpana sa kanya ng isang Badjao. Buhat nito, nahulog ang loob ni Urduja kay Lim Hang. Kahit na ang kanilang pag-iibigan ay pinagbabawal, itinuloy pa rin nila ito.

Dahil desperado si Simakwel na ma-siguro ang kanyang pamumuno, kinasabwat niya si Wang, isang heneral na Tsino na sinusubukang mahuli si Lim Hang. Nagbanta si Wang na sasakupin niya ang mga Tawalisi kapag hindi sumuko Lim Hang; kaya bilang isang ginoo, sinuko niya ang kanyang sarili upang iligtas si Urduja at ang kanyang pamayanan. Ngunit, hindi sumunod si Wang sa kanyang mga sinabi at kanyang sinakop pa rin ang Tawalisi. Bilang mga kaibigan ni Lim Hang, tinulungan ni Kukut, isang nagsasalitang daga, at ni Daisuke, isang samurai, na makatakas si Lim Hang at bumalik sa lugar nina Urduja. Kasama ng mga Badjao, sama-sama nilang niligtas ang mga Tawalisi sa kamay ni Wang at sila ay nagtagumpay. Kinasal sina Urduja at Lim Hang at sila ay namuhay nang matiwasay.

PANUNURI:

Nakakatuwang isipin na ang pelikulang ito ay may kaugnayan sa tunay pangyayari sa panahong pre-kolonyal, sa aspeto ng kung anong uri ng pamumuhay ang mayroon noon, ang mga digmaan sa pagitan ng mga tribo, ang pagiging masunurin ng mga kababaihan sa kanilang mga asawa, at marami pang iba; kaya naman iminumungkahi ko na mapanood ito ng mga mag-aaral sa Unang Taon dahil pinag-aaralan makatutulong ito sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas. Ngunit, hindi pinapakita ng pelikulang ito ang tunay na buhay ni Prinsesa Urduja. Binago ang ilang aspeto nito tulad na lamang ng kanyang buhay-pag-ibig (dahil sabi ng totoong Prinsesa Urduja na magpapakasal lamang siya kapag may isang lalaking makipag-tagisan at natalo siya) upang makabuo ng isang pelikulang kahali-halina sa masa. Madaling intindihin at payak ang kuwento ng pelikulang ito kaya akmang-akma itong panoorin ng mga tao sa kahit anumang edad sila nabibilang ngunit madaling hulaan ang katapusan ng istorya. Mahusay ring isinulat ang mga dayalogo ngunit personal kong hindi nagustuhan ang pagsingit ng ilang mga salitang Ingles dahil hindi ito nagtunog natural, kundi ‘pilit’. Sa kabilang dako, nagustuhan ko ang paggamit ng mga tauhan ng mga salitang kolokyal kaysa sa paggamit ng mga salitang pampanitikan. Nagustuhan ko rin ang pagpapakita ng pelikulang ito ng pakikipaglaban ng mga kababaihan sa kanilang mga karapatan (feminismo) na makikita sa tauhan ni Urduja.

Ngunit ang inaabangan ng lahat ay ang kalidad ng animation na ginawa ng mga manlilikhang Pilipino. Maituturing kong kahanga-hanga ang pagkakagawa ng animations sa pelikula kahit na ito ay hindi pa maihahambing sa mga animations na ginagawa sa Estados Unidos. Masasabi kong magandang simula na ang pelikulang ito sa larangan ng kontemporaryong pag-aanimate ng mga pelikula. Ang mapupuna ko lamang ay ang tila paggaya ng ilan sa mga tauhan at eksena nito sa ilan sa mga Disney Classics tulad ng Pocahontas (ang pisikal na kaanyuan ni Urduja, mga puno, talon at marami pang iba), Tarzan (ang paglipat-lipat mula sa isang baging patungo sa isa) at Mulan (ang paggamit ng espada bilang sandata, mga Tsino).

Masasabi kong mahusay ang paglalapat ng boses ng mga tauhan. Akma ang mga tinig ng mga kinuhang voice actors sa tauhang kanilang ginagampanan o binobosesan. Hindi ko gaanong nagustuhan ang pagkakaroon ng mga awitin sa pagitan ng mga eksena dahil sa aking palagay, hindi ito nakatutulong sa daloy ng kuwento; sa halip, nasisira ang kasukdulan ng eksena.

Isang magandang simula ang pelikulang ito sa larangan ng animation. Kahit hindi pa ito kasing-husay ng pagkakayari ng mga animations na ginagawa sa ibang bansa, maaasahan natin na mapagpapabuti pa ito sa kalaunan.